Sec. Deles' Speech during the Launching of Catch-Up Plan for Social Services in ARMM
Asalamulaikum! Magandang, magandang umaga sa lahat!
Kami po ni Secretary Corazon "Dinky" Juliano-Soliman, sampu ng ating mga bagong-hirang na ARMM Regional officials na sina Governor Mujiv Hataman at Vice Governor Hadja Bainon Karon, at ng mga local government officials na pinangungunahan ni Governor Esmael "Toto" Mangudadatu at Buluan Mayor Ibrahim "Diong" Mangudadatu, ay nandito upang iparamdam nang diretso sa inyong lahat ang adhikain ng ating Pangulong Benigno Aquino III, na makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran para sa lahat ng mamamayang Pilipino.
Para sa ating administrasyon, dapat ay laging sabay at magkaugnay ang pagtutulak ng kaunlaran at kapayapaan. Itong dalawa ay kambal na layunin. Kailangan ang kapayapaan para sa tuwirang kaunlaran; kailangan ang kaunlaran para sa pangmatagalang kapayapaan. Hindi puwedeng may naiiwan; dapat laging magkaugnay, magkatugma, magkasabay.
Sa larangan ng kapayapaan, ang nais ng ating Pangulo, ang pinaghihirapan ng ating administrasyon ay mabigyan ng tuluyang wakas ang armadong hidwaan sa buong Pilipinas, hindi lang dito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, hindi lang sa Mindanao, kung hindi sa buong Pilipinas. Mayroon pang iba’t-ibang pook na may naiiwang labanan sa gitna ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo, at ng ibang rebeldong grupong naging ibat’-ibang bandang armado. Sabi nga ng t-shirt ni RG -- "War is lousy."
Ang nais ni P-Noy, sa pag-alis niya sa pwesto sa 2016, ay wala nang armadong hidwaang iiwanan pa sa susunod na administrasyon. Para sa ARMM, ang mga importanteng pangyayari ay ang patuloy na pakikipag-usap ng gobyerno sa MILF at MNLF. Sa MILF ay nagkaroon ng usapan noong Enero at magkakaroon nang muli bago magtapos ang Pebrero. Sa katapusan ng buwan na ito ay magkakaroon din ng high-level na pag-uusap sa Indonesia sa pagitan ng gobyerno at MNLF para tuluyan nang matapos ang implementasyon ng 1996 Final Peace Agreement.
‘Yan po ang utos. At paulit-ulit nating sinasabi na ang gusto ng ating gobyero ay matapos, makamit, makapagpirmahan ng agreement bago umabot sa kalahati ang termino ng ating Pangulo. Dahil ang kanyang gusto ay hindi lamang makapagpirmahan ng agreement, kung hindi ay ma-implementa kung ano ‘yung pinirmahan. Kaya ang gusto n’ya, hindi sa katapusan ng kanyang termino kung hindi sa gitna ay magpirmahan na para siya rin ang mag-aasikaso ng pag-iimplementa nito o kung hindi man ay ang pag-uumpisa niyon para siguradong tuluyang maisakatuparan ang mga napirmahan.
May ibang nagsasabing itinutulak ng national government ang development projects ngayon upang makalimutan ng mga komunidad ang mga lamesa para tutukan na lamang nila ang mga nangyayari sa kani-kanilang mga lugar. Hindi ho ito totoo. Pursigido ang gobyerno sa patuloy na pag-uusap. Ang gusto nga natin ay magkaroon ng agreement. Pero naniniwala rin ang national government na hindi na puwedeng paghintayin pa ang mga mamamayan. Development cannot wait. Kailangang tugunan na ang mga pangangailangan, ang mga agarang panganganilangang kay tagal nang hinintay ng mga komunidad. Kaya nga ho may PAMANA na nakalaan sa mga komunidad na naaapektuhan ng armadong hidwaan nang ilang taon na.
Alam ho natin, ang kapayapaan at kaunlaran, hindi natin ito makakamit kung walang maayos na pamamahala, kung walang tuwid na daan. Kaya nga ho nandito na ang bagong hirang na OIC Regional Government sa pangugnuna nina Governor Hataman at Vice Governor Karon. Tatapusin natin ang giyera sa loob ng administrasyon na ito. Kaya nga ho ang ating pananawagan ay magtulungan tayong lahat. Magtulungan - kanina sabi ni Sec. Dinky, magbantay at makilahok para makamit natin ang tuwirang kapayapaan at kaunlaran para sa lahat ng ating mamamayan, lalo na para sa ating mga anak at sa mga susunod pang salinlahi.
Maraming salamat po. Magandang umaga sa inyong lahat!











