UPDATES ON

President Aquino's speech at the signing of the MOA between the Government and the CBA-CPLA, July 4, 2011

Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Cordillera Bodong Administration – Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA)
[Inihayag sa Rizal Hall, Malacañan Palace noong ika-4 ng Hulyo, 2011]

 
Sa araw pong ito, humahakbang tayo tungo sa katuparan ng isa sa mga pangunahing mithiin ng akin pong ina: ang makamit ang pambansang kapayapaan at pagkakaisa. Mula sa pagiging ilaw ng aming tahanan hanggang sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa, mula sa pagiging isang simpleng sibilyan hanggang sa kanyang huling hantungan, tangan ng aking ina ang liwanag ng kapayapaan na siya niyang ipinamana sa sambayanang Pilipino.
 
Isa na marahil sa mga kongkretong hakbang na naganap sa kanyang panunungkulan ay ang paglalagda sa Mount Data Peace Accord noong Setyembre 1986—pitong buwan lang matapos ang EDSA Revolution. Malamang, alam ito ng mga taga-Cordillera: ito po ang kasunduang nagtapos sa hidwaan at karahasan sa pagitan ng gobyerno at ng Cordillera People’s Liberation Army, o CPLA, na nagsimula pa noong rehimeng Marcos.
 
Ngayon, tayo naman po ang tinawag ng mga Pilipinong manilbihan sa pamahalaan. At ito nga po ang ipinanata ko sa sambayanan mahigit isang taon na ang nakaraan: na ipagpapatuloy ko ang nasimulan ng aking mga magulang; at ang patuloy na pagningas ng ilaw ng kapayapaang alay nila sa bayan.
 
Sa araw na ito, nasaksihan natin ang paglalagda ng isang mapayapang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng Cordillera Bodong Administration (CBA) at CPLA. Ito na po ang huling hakbang na magtutuldok, sa wakas, sa humigit-kumulang dalawampu’t limang taong peace process sa pagitan ng dalawang partido.
 
Lubos po tayong nagpapasalamat kay Presidential Adviser on the Peace Process Ging Deles, kay CPLA Chairman Arsenio Humiding, at kay Cordillera Bodong Administration President Marcelina Bahatan, at sa kani-kanilang mga institusyon. Naisip po siguro nila: “Hahayaan pa ba nating magpatuloy ang walang-katapusang pag-uusap, na kadalasan, wala namang pinatutunguhan? Bakit hindi natin ito upuan at pag-usapan nang masinsinan; at magkasundo sa isang pinal, maliwanag, at mapayapang kasunduan?” Ito na nga po ang nangyari—hindi lamang reporma kundi pagtitiwala sa kanilang inilatag sa lamesa. Muli, maraming, maraming salamat sa lahat ng partidong nagkaisa at tumulong upang maipatupad ito.
 
Sa masinsinang mga pag-uusap at pakikipag-ugnayan, naglatag po tayo ng malinaw, kongkreto, at kalkuladong kasunduan.
 
Kasama po sa napagkasunduang probisyon ay ang pagsasagawa ng isang dokumentasyong maglalaman ng kasaysayan at legasiyang iniwan ng CBA-CPLA. Ang CBA-CPLA po mismo ang maghahanda sa disenyo at laman nito, samantalang ang gobyerno naman ang susuporta sa pagpondo—mula sa paglilimbag, hanggang sa pag-launch at sa iba pang aktibidad na kaakibat nito. Sa paraang ito, tuluyan na po nating maisasara ang kabanatang ito ng ating kasaysayan; samantalang maibubukas naman sa pagbabalik-tanaw ng mga susunod na salinlahi.
 
Ngayong kaanib na rin ng gobyerno ang mga kasapi ng CPLA, hindi naman natin sila maaaring i-iwan sa ere. Bubuksan po natin ang tarangkahan ng ating Sandatahang Lakas para sa kanila; maaari rin po natin silang italaga sa Department of Environment and Natural Resources bilang mga forest guards; at mayroon din po tayong mga skills training, job placement, at iba pang income-generating activities para sa kanila.
Pagdating naman po sa pagtatalaga sa kanilang mga armas at mga miyembro, nagkasundo na rin po ang gobyerno at ang CBA-CPLA sa paunti-unti ngunit mas siguradong disposisyon, na tinatayang matatapos walong buwan mula ngayon. Samantala, ang pag-assign naman sa kanilang mga miyembro sa Armed Forces of the Philippines ay padadaanin natin sa kwalipikasyon at pagsusuri, at panuntunan ng atin pong Sandatahang Lakas.
 
Para naman sa mga proyektong pangkabuhayan, ang mga tagapagtaguyod ng mga ito ay bibigyan natin ng technical assistance at training sa pagnenegosyo. Ito po ang aalalay sa kanila sa pagpapatupad ng kanilang mga proyekto.
 
Papatibayin din po natin ang mga komunidad kung saan dating namamalagi ang mga CBA-CPLA. Napagkasunduan po ng magkabilang panig na magsagawa ng mga community development projects sa limampu’t pitong lugar—mga barangay at sitio—kung saan nakapagbuo ng puwersa, at naninirahan ang mga pamilya ng CBA-CPLA. Anong klaseng mga proyekto ba ang mga ito? Basta po mas makakapagdulot ng kapayapaan sa kanilang komunidad, at patas ang magiging pamamahagi sa bawat isa, pabor po tayo diyan. Maaari rin po nating ipatupad ang mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga pamayanan para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan, at mga proyektong mapagkakakitaan para sa buong pamayanan. Lahat po ng mga proyektong ito, sasailalim sa ating Payapa at Masaganang Pamayanan o PAMANA framework of community development, livelihood, employment, and subregional development.
 
Malaki po talaga ang potensyal ng CBA-CPLA upang maging isang malakas at ligal na puwersang makakatulong sa pagpapaangat ng ekonomiya ng kanilang rehiyon. Ito po ang napagkasunduan nating maabot sa susunod na dalawang taon, at buo po ang suporta ng gobyerno sa CBA-CPLA upang mapabilis ang kanilang akreditasyon bilang isang ganap nang ligal na organisasyon.
 
Hindi rin po natin hahayaang makulong lamang sa kapirasong papel ang nilagdaang kasunduan; kasama po sa pirmang ito ang panatang maisakatuparan ang lahat ng napagsang-ayunan. Kaya naman po, ang gobyerno, sa pamamagitan ng isang Joint Committee, ay magsasagawa ng regular monitoring at evaluation sa pagsulong ng memorandum of agreement na ito, lalo na sa mga proyektong pangkaunlaran.
 
Upang masiguro namang tapat at bukas ang sistema, magkakaroon ng independent monitoring ang mga civil society organizations. Kada apat na buwan, ipapag-post din natin sa kanilang mga websites at community billboards ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kanilang mga proyekto, paglalabas nila ng pondo, at maging ang kanilang mga naabot at napagtagumpayan.
 
Maganda pong ipunto na bumubuti na nang bumubuti ang takbo ng ekonomiya ng Cordillera Administrative Region. Kaya naman, sa closure agreement na ito, kasama na ang napagplanuhang Development Package, inaasahan nating mas lalo pang yayabong ang ekonomiya ng rehiyon, at matutulungang maiahon ang iba nitong mga probinsyang nangangailangan ng tulong. Sa mabisang pagpapatupad din po ng mga basic services projects, hindi po malayong makausad na tayo sa pag-aabot ng ating Millennium Development Goals bago mag-2015.
 
Matagal ko na pong panawagan sa mga Pilipino: maging bahagi ng solusyon imbes na makialam lang.
 
Nagbubukas po ng bagong pinto ang kasunduang ito: ngayon, mabibigyan na natin ng malinaw na proposisyon ang CPLA upang makibahagi sa pagbabago at sa pagsusulong sa ekonomiya ng bansa; bubukas na ang pinto upang maging isang ganap nang organisasyon ang CPLA at tunay na kabahagi ng lipunan. Sa tuluyang pakikiisa ng CPLA at ng CBA sa ating gobyerno, para bang sinasabi nilang: “Handa na kaming sumama sa pagbagtas sa daang matuwid at mapayapa.” At ang walang pag-aalinlangan naming sagot, “Halikayo, tuluyan na nating magkapit-kamay tayo kasama ang sambayanang Pilipino tungo sa isang mas maunlad na kinabukasan.”
Ito po ang Pilipinas na pinangarap ng aking ina sa sambayanang Pilipino, at ngayon ay patuloy nating ipinaglalaban: isang lipunan kung saan ang kapayapaan at kaayusan ay hindi nadadaan sa pagtutok ng baril at armas; isang lipunan kung saan ang kapanatagan at kaginhawaan sa buhay ay hindi lamang para sa mayayaman at may pangalan; isang lipunan kung saan may boses ang bawat Juan dela Cruz at hindi lamang ang mga nakaupo sa pamahalaan.
 
Sa pag-unlad ng ating bayan, talagang wala na pong maiiwan. Binigay ninyo ang inyong pagtitiwala sa akin, at personal kong ipinapaabot sa inyo ngayon ang buong pagtitiwala ko sa bawat isa sa inyo. Hakbang bawat hakbang, nararating na natin ang ating mga mithiin bilang isang nagkakaisang bansa. Sa ilalim ng liwanag ng mabuting pamamahala, patuloy po tayong magsasama-sama tungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.
 
Bago po ako magtapos: Siguro ho, ‘pag inaalala natin ang Cordillera, hindi ko po maiwas isipin ang aking ama, na siyang unang nagdala sa akin sa Baguio. Alam niyo, tandang tanda ko po noong kumakain kami isang gabi sa Session Road, ginaw na ginaw po ako—siguro bandang Pasko ito. Sabi ko po sa tatay ko, dahil ako po ay musmos na bata noong mga panahon na iyon: “Dad, baka puwede mong pahinaan ‘yung aircon.”
 
Ang sagot niya sa akin, “Tumingin ka nga doon sa pintuan.” At doon po sa taas ng pintuan ay bukas na bukas po, wala hong salamin. “Iyon pala ang aircon dito sa Baguio,” kako.
 
At noong bata nga ho ako, nagawing napuntahan namin iyong Crystal Caves—Caves po, plural. Tatlo po doon ang tinahak namin, at talagang nagkasubukan na kung sino ang makapunta sa akyat-babang ginawang Crystal Caves. At hangang nanga ako talaga sa dami ng crystals, sa tinatawag na stalactites, stalagmites. Ang masakit po, noong nabalik tayong Baguio, siguro mga dalawang taon na ang nakalipas, ako po ay nahamong bumalik sa Crystal Caves. Wala na po si stalactites, wala na po si stalagmites, at iyong crystal pong itinuro sa akin kailangan iyong dikitan ‘yung pader—siguro mga two inches ang layo—para makita ‘yung crystal. Ang masakit ho noon, talagang tinitigan ko. Hindi ko naman po alam kung sira na ang mata ko talaga, ang nakita ko po buhangin; wala po iyong crystal. Sabi ko, “Mukang parating pa lang iyong crystal.” Hindi ko na po aabutin bagong … pag naging crystal si buhangin.
 
Bakit ko po nabanggit iyan? ‘Yung Cordillera po, talagang marami tayong opportunidad, pagkakataon. Kaya namin kayong tulungan; dadamayan namin kayo sa bawat hakbang. Pero sa dulo po noon, kayo naman po talaga ang aasahan natin para may mangyari po sa Cordilleras. Tulad ko po, nabigyan ng pagkakataon maging bahagi ng pagbabago ng Pilipinas. Kayo ho bibigyan namin ng lahat ng pagkakatao para talagang baguhin ang nakaugalihan nang kahirapan sa Cordilleras, at ipakita kung ano talaga ang biyaya ng katahimikan at kapayapaan. Magtutulungan po tayo nang husto, talagang unique pong pagkakataon ito. Ako po’y hindi na nga ho tatakbo, kaya iyong desisyon ko ay hindi ho galing sa pulitika; ang desisyon po ay nanggagaling lang purely, “saan ba ang tama, saan ba ang mali?”
 
Palagay ko nga ho, 25 years na, isang henerasyon na ang dumaan: sabi ng nanay ko noong araw, talagang napakadali raw kausap ninyo noong panahon na iyon. Ngayon nga ho ay nadama ko kung talagang gaano kayo kadali kausap. Siguro naman po talagang mapapabilis natin ang pagbabago sa susunod nitong dalawang taon.
 
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.
 
----------------------

Retrieved from www.gov.ph.

 

 

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

Type the characters you see in this picture. (verify using audio)
Type the characters you see in the picture above; if you can't read them, submit the form and a new image will be generated. Not case sensitive.
Copyright 2010. Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.